Mariing nagbabala si Eastern Police District (EPD) District Director P/BGen. Matthew Baccay sa lahat ng mga pulis ng EPD na mahigpit nitong ipinagbabawal ang pagpapaputok sa darating na Pasko at Bagong Taon upang walang sibilyan na madisgrasya sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ang pahayag ay ginawa ni General Baccay kasunod ng insidente ng pamamaril ni Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Baccay, isang putok lang ng baril na nagmumula sa baril ng mga pulis ng Mandaluyong, San Juan, Marikina at Pasig City ang kanyang mababalitaan, at kapag napatunayan, ay sibak agad sa kanilang serbisyo at mayroon pang kaakibat na kasong Administratibo.
Paliwanag ng Heneral, hindi nila lalagyan ng masking tape ang dulo ng mga baril ng mga pulis pero malalaman pa rin nila kung magpapaputok ng baril ang mga pulis ng EPD at dapat ay gamitin lamang ang baril ng mga pulis laban sa mga kriminal at hindi sa mga walang kalaban-labang sibilyan.
Giit pa ni Baccay na dati na rin silang nagpapatupad ng kampanya laban sa indiscriminate firing sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.