Pamunuan ng Federation of Free Workers, nanawagan sa publiko na irespeto ang desisyon ng mayorya sa pagproklama sa presidente at bise presidente ng bansa

Umapela si Federation of Free Workers (FFW) President Atty. Sonny Matula sa publiko na respetuhin ang naging desisyon ng mayorya sa mga Pilipino matapos na iproklama sina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice Presidential-elect Sara Duterte-Carpio.

Ayon kay Atty. Matula, bagama’t aniya hindi sapat ang ibinigay sa kaniya ng suporta para manalo sa pagiging senador pero nagpasalamat pa rin siya sa tiwala at suporta sa kaniya ng taumbayan.

Nagpaabot din ng pagbati si Atty. Matula sa lahat ng mga nanalong kandidato sa nakaraang eleksyon kasabay ng paalala na sa demokrasya ay malaya at tuloy-tuloy na boses ng taumbayan ang kailangan sa pamamalakad sa pamahalaan.


Paliwanag pa ni Atty. Matula, hindi sapat ang pasasalamat sa lahat ng kaniyang mga kaibigan at tagasuporta na nagsakripisyo, naglaan ng oras at panahon upang masustentuhan ang kanilang kampanya kaya’t saludo siya sa lahat ng mga tumulong sa kanya noong nakaraang halalan.

Dagdag pa ni Matula na bagama’t hindi siya pinalad na maging senador pero ikinararangal naman niya na napabilang siya kay Vice President Leni Robredo at malaking karangalan umano na mapasama sa kampo ng pangalawang pangulo ng bansa.

Binigyang diin pa ni Matula na ang nakaraang eleksyon ay malaking naiaambag sa kanya upang lalong pagbubutihin pa ang pagpapalakas sa boses ng mga manggagawa at tuloy pa rin kung ano ang kanilang nasimulan at ipinaglalaban para sa kapakanan ng nakararaming manggagawa.

Facebook Comments