Umaasa ang pamunuan ng “Hatid Tulong program” na mapagbibigyan ng Inter-Agency Task Force ang kanilang apela na i-exempt mula sa travel ban ang mga Locally Stranded Individuals (LSIs) sa muling umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Sa interview ng RMN Manila kay Hatid Tulong Lead Convenor at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo, nasa limang daang LSIs pa ang naabutan ng MECQ sa mga temporary shelter.
Sa ngayon ay pocket send-offs o clustered send-offs na ang magiging approach ng Hatid Tulong program sa pagpapauwi sa mga LSIs upang mahigpit na maipatupad ang mga health safety protocols.
Patuloy din ang pagtanggap ng mga gustong umuwing LSIs.
Pero, apela ni Encabo sa mga ito, huwag munang umalis sa kanilang tinutuluyang dito sa Metro Manila hanggat hindi pa nasisigurado ang petsa ng kanilang pag-uwi sa probinsya.
Matatandaang inulan ng batikos ang nasabing programa makaraang magdagsaan kamakailan ang mga LSIs sa Rizal Memorial Sports Complex at hindi ito na-organisa ng maayos.