
Aktibo na raw na nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng La Salle Greenhills sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para matugunan ang problema sa matinding traffic dahil sa mga nakaparang sasakyan sa tapat ng paaralan na nagsusundo at naghahatid ng mga estudyante.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, naglatag na rin sila ng mga hakbang para maremedyohan ang sitwasyon.
Kabilang na rito ang pagbubukas ng mas maraming ruta sa loob ng campus at Greenhills East Village para gumanda ang traffic flow.
Pumayag na rin daw ang Greenhills East Village Association na papasukin ang mga sasakyan na maghahatid at magsusundo ng mga estudyante sa mga kalye ng village.
Maliban dito, nagdagdag na rin ang paaralan ng mga drop-off at pick-up spots sa kanilang football field.
Hinikayat din ng paaralan ang paggamit ng school buses at carpooling sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga accredited na bus at ang pag-explore sa point-to-point transport.









