Handa na ang pamunuan ng Light Rail Transit o LRT line-1 sa pagbabalik operasyon ng kanilang mga tren sakaling matapos na ang Enhanced Community Quarantine o ECQ sa National Capital Region sa Mayo a-15.
Matatandaan na dahil sa ECQ sa Kalakhang Maynila at mga lalawigan sa Luzon, sinuspinde ang public transport operations, kabilang na ang mga biyahe ng LRT line-1, bilang pag-iingat kontra COVID-19.
Sa pahayag ni Light Rail Manila Corporation o LRMC Chief Operating Officer Enrico Benipayo, may mga ginagawa na sila upang matiyak ang mas maayos na serbisyo para sa publiko.
Kabilang na rito ang ‘preventive and corrective maintenance works’, gaya ng pagpapalit ng air-conditioning compressor units.
Mayroon din mga hakbang ang pamunuan ng LRT line 1 upang masiguro na mananatiling ligtas ang kanilang mga tauhan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng guidelines at precautions, alinsunod sa itinatakda ng pamahalaan.
Sa loob ng linggong ito, maglalabas ang LRMC ng mga panuntunan at paalala para naman sa mga pasahero lalo’t kailangang matiyak ang social o physical distancing sa loob at labas tren maging sa bawat istasyon gayundin anc iba pang mga pag-iingat, upang makaiwas at hindi mahawaan ng COVID-19.