Cauayan City, Isabela- Nirerespeto ng pamunuan ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang mga naging pahayag ng mga naapektuhan ng malawakang pagbaha.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Engr. Wilfredo Gloria, Department Manager ng NIA-MARIIS, iginagalang aniya nito ang mga pambabatikos ng mga netizens na ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam ang siyang dahilan sa nangyaring matinding pagbaha sa Cagayan Valley.
Pero, ipinaliwanang naman ni Engr Gloria na mayroon silang sinusunod na protocol sakaling may paparating na sakuna o kalamidad.
Hindi aniya nagkulang ang kanilang pamunuan sa pagbibigay ng abiso sa publiko katuwang ang mga lokal na media at LGU’s bago pa ang nakatakdang oras ng kanilang pagpapakawala.
Posible naman aniya na may kontribusyon ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam sa nangyaring pagbaha sa Lambak ng Cagayan subalit ang Magat river ay isa lamang aniya sa 20 ilog na konektado sa Cagayan river at lahat ng mga ito ay may-ambag sa pagtaas ng lebel ng tubig na sanhi ng pagbaha.
Paliwanag pa nito, Kung hahayaan kasi na mapuno at malampasan ang spilling level ng Magat Dam ay posibleng magkaroon ng Dam Break o massive damage sa buong Lambak ng Cagayan.
Mas malaking pinsala aniya ang maidudulot nito na makakasira sa maraming pag-aari at lalong malalagay sa panganib ang buhay ng bawat nasasakupan nito.
Sa kasalukuyan, wala pang katiyakan ang NIA-MARIIS kung kailan ititigil ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam.
Nakahanda naman ang pamunuan ng Magat sakaling sila ay pagpapaliwanagin o sasampahan ng kaso.