Pamunuan ng Manila North Cemetery, hindi mag-iisyu ng special permit para makapagtinda sa loob ng sementeryo

Manila, Philippines – Hindi magbibigay ng special permit ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa mga vendors na nais magtinda sa loob ng sementeryo.

Ayon kay Roselle Castañeda, ang officer-in-charge ng Manila North Cemetery, bawal na talaga ang mga magtitinda sa loob ng sementeryo, alinsunod na rin sa kautusan ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Mahigpit din nilang ipapatupad ang “no vendor policy” sa sementeryo ngayong datating na Undas kung saan nakahanda naman arestuhin ng Manila Police District (MPD) ang susuway sa nasabing utos.


Aabot sa 500 MPD personnel ang nag-ikot sa North Cemetery at kanilang pinagsabihan ang mga vendors na hanggang ngayong araw na lamang sila maaaring magligpit ng kanilang paninda.

Umaasa naman si Castañeda na mauunawaan ng mga vendor ang mahigpit na polisiya kung saan huwag na nilang balakin pa na magtinda dahil magkakaroon lang sila ng problema.

Puspusan pa din hanggang sa ngayon ang pagsasaayos at paglilinis sa Manila North Cemetery, na isa sa mga pinakamatanda at pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila.

Facebook Comments