Pamunuan ng Manila North Cemetery, nagtayo na ng command center para sa Undas 2025

Nagtayo na ng bagong command center ang pamunuan ng Manila North Cemetery upang mas matutukan ang seguridad at daloy ng mga tao sa 54-ektaryang sementeryo ngayong Undas 2025.

Ayon kay MNC Director Dandan Tan, nagkabit sila ng 64 CCTV cameras sa lahat ng malalaking kalsada sa loob ng sementeryo at gagamit din ng drone para sa mas mabilis na pagresponde sa anumang insidente.

Sinabi pa ni Tan na inaasahan nila ang mas malaking bilang ng pagdagsa ng mga tao ngayong taon dahil tatapat sa weekend ang Undas.

Sa ngayon, pinapayagan ang paglilinis ng mga puntod hanggang Oktubre 27, habang hanggang Oktubre 28 naman ang huling araw ng libing at pagpapapasok ng mga sasakyan sa loob ng sementeryo.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda sa mga pangunahing daanan at bukana ng sementeryo upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng tao at sasakyan.

Paalala ng pamunuan, mas mainam na bumisita nang mas maaga at iwasan ang magsama ng mga matatanda, bata, at buntis sa araw ng Undas upang maiwasan ang siksikan.

Para sa mas madaling paghanap naman ng puntod, maaaring gamitin ng mga bisita ang “Puntod Locator” sa official website ng Manila North Cemetery.

Facebook Comments