Pamunuan ng Manila Police District, maghihigpit na rin sa nalalapit na kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan

Maghihigpit na rin ang Manila Police District (MPD) sa kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at sa Pandacan na gaganapin ngayong Sabado at Linggo.

Ayon kay Police Brig. Gen. Leo Francisco, Director ng MPD, hindi nila papapasukin sa simbahan ang mga kabataang nasa edad 15-anyos pababa at matatandang may edad 65 pataas dahil sa banta ng COVID-19.

Habang magkakaroon din ng bag inspection sa mga checkpoint at kailangang magsuot ng face mask at face shield ang dadalo sa pagdiriwang.


Samantala, maliban dito umapela rin ang Department of Health (DOH) sa publiko at mga deboto na mas mapakinggan ngayon ang mga paalala ng ahensya.

Paliwanag kasi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kadalasang nagiging dahilan ang mga pagdiriwang ng kapistahan upang tumaas ang kaso ng COVID-19.

Tulad sa mga paalala sa holiday season at sa Traslacion, umaasa rin si Vergerire na hindi na mauulit ang dating kumpulan ng mga tao.

Nanawagan naman ang DOH sa publiko na huwag nang pumunta sa mass gathering dahil maaaring maging resulta ito ng kanilang pagkakasakit dulot ng COVID-19.

Facebook Comments