
Nagpaalala ang pamunuan ng Manila South Cemetery sa lahat ng bibisita bilang paggunita ng Undas 2025.
Ito’y para sa kaligtasan, kaayusan at kapanatagan ng lahat ng dadalaw sa naturang sementeryo.
Ayon sa pamunuan ng Manila South Cemetery, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga nakalalasing na inumin, matatalim na bagay, malalakas na sound system, at iba pang maaaring makasagabal sa kaayusan.
Mahigpit din na ipinagbabawal sa loob ng naturang sementeryo ang pagdadala ng ipinagbabawal na gamot, pagsusugal at paninigarilyo.
Kahapon, October 26, ang huling araw paglilinis at pagpipintura ng puntod, habang ang libing naman ay hanggang bukas na lamang at ipagpapatuloy muli sa Nobyembre 3, 2025.
Hindi rin papayagang makapasok ang anumang uri ng sasakyan sa mga araw ng pagdalaw simula October 29, 2025 (Miyerkules) hanggang Nobyembre 2, 2025.
Bawal pumasok ang lahat ng uri ng sasakyan kabilang ang motorsiklo, e-bike, e-trike, bisikleta, scooter, monocycle.
Ang abiso ay layon na tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng mga bumibisita sa sementeryo tuwing Undas.
Samantala, matumal pa naman ang bentahan ng kandila at bulaklak ngayon sa Manila South Cemetery kahit na may paunti-unti nang dumadalaw para hindi na makipagsabayan pa sa darating na Sabado o mismong araw ng mga patay.
Wala pa namang pagtaas sa presyo nito ngayon pero asahan ang pagbabago ng presyo sa mga susunod na araw.









