Pamunuan ng Metrobank Tuguegarao, Kinumpirma na Php21.4M ang Natangay ng mga Armadong Suspek at Nagpakilalang Pulis!

Tuguegarao City, Cagayan – Kinumpirma ng pamunuan ng Metrobank Tuguegarao Main Branch na may kabuuang Php21.4M ang natangay ng limang armadong kalalakihan na nagpakilalang mga pulis sa naganap na panloloob sa nasabing bangko.

Sa ipinarating na pahayag ni ginang Estela Calderon, ang pinuno ng Corporate Communications Department ng Metrobank Main Branch sa Tuguegarao City na sa kabila ng natangay na halaga ay sinigurado niya na hindi umano maapektuhan ang mga accounts ng kanilang mga kostomer.

Sinabi rin ni ginang Calderon na lahat ng empleyado ng bangko ay naging ligtas at nakikipag-koordinasyon sa kapulisan para sa ikakaresolba ng naganap na panloloob.


Gayunman ay tumangging magbigay pa ng karagdagang impormasyon hinggil sa pangyayari dahil sa kasalukuyan naman na umano ang imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa bank robbery.

Samantala, kasalukuyan parin ang cartographic sketch at manhunt operation ng kapulisan sa mga suspek sa pamumuno ng PNP Provincial Office.

Matatandaan na nilooban ng limang aramadong kalalakihan na nagpanggap na pulis ang Metrobank Tuguegarao Main Branch, pasado alas otso ng gabi noong araw ng Lunes sa Luna Street, Corner Blumentrit Street, Tuguegarao City, Cagayan.

Facebook Comments