Pamunuan ng mga unibersidad na inakusahang breeding ground ng NPA, pumalag

Dumipensa ang ilang kilalang unibersidad sa Metro Manila sa paratang ng isang military official na kabilang sila sa recruiting ground ng mga rebeldeng komunista.

Matatandaang kamakailan lamang ay inakusahan ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict Spokesperson Lt. Gen Antonio Parlade Jr. na nagsisimula ang recruitment ng mga New People’s Army (NPA) sa mga paaralan na kinabibilangan ng:

– University of the Philippines (UP)
– Polytechnic University of the Philippines (PUP),
– Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM),
– University of Makati (UMAK),
– Far Eastern University (FEU),
– University of Santo Tomas (UST),
– De La Salle University (DLSU),
– Ateneo De Manila University (ADMU)


Sa isang joint statement, sinabi ng mga opisyal ng Ateneo, La Salle, FEU, at UST na iresponsable ang naging akusasyon ni Parlade lalo na’t wala naman anila itong basehan.

Kaugnay nito, itinuturing naman ni PLM President Emmanuel Leyco na isang “insulto” ang pahayag ni Parlade.

Samantala, inihayag naman ni Bayan Secretary General Renato Reyes na mahalaga ang mga kasunduang kagaya ng UP-DND accord lalo na’t mali-mali naman umano ang mga inilalabas na listahan ng gobyerno.

Una rito ay may pinangalanan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na 27 dating estudyante ng UP bilang mga miyembro umano ng NPA at nasawi sa engkwentro pero lumalabas na ilang kilalang indibidwal ang dawit sa listahan.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Reyes na malalagay lamang sa peligro ang buhay ng mga ini-reredtag ng gobyerno lalo na kung basta na lang silang makakapasok sa mga unibersidad nang walang paalam.

Facebook Comments