
Nagsasagawa ng hiwalay at masusing imbestigasyon ang Manila Police District (MPD) kaugnay sa pagkakaaresto sa anim na pulis na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malate Police Station 9 na sangkot sa umano’y kasong robbery.
Matatandaan na naganap ang insidente noong January 28, alas-8:00 ng gabi sa Arsonbel Street, Barangay San Isidro, Makati City.
Ang anim na pulis, na binubuo ng isang police staff sergeant, isang police corporal at apat na patrolman, ay naaresto ng mga tauhan ng Makati City Police sa pamamagitan ng hot pursuit operation at positibong kinilala ng mga biktima.
Kinumpirma ng MPD na nasamsam na ang lahat ng kaugnay na dokumento kabilang ang SDEU coordination form para sa nasasakupan ng MPD.
Nagpadala na rin ng Notice to Explain sa mga sangkot na tauhan at kanilang immediate supervisor, at ipinatupad na rin ang relieve order laban sa station commander at lahat ng miyembro ng SDEU ng MPD Station-9.
Matatandaan na nitong nagdaang taon lamang pitong tauhan din ng MPD ang naaresto dahil naman sa reklamong robbery extortion ng isang businessman, isa ang inireklamo ng panggagahasa at dalawa ang inireklamo matapos mambugbog ng traffic enforcer sa Valenzuela City.










