Pamunuan ng MRT-3, magpapatupad na ng tigil operasyon tuwing long weekend!

Umapela ngayon ng pang-unawa ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 sa kanilang mga parokyano kasabay ng pag-arangkada ng MRT-3 rehabilitation project.

Sa interview ng RMN Manila kay MRT-3 Director for Operation Mike Capati, inihayag nito ang pagpapatupad ng MRT shutdown tuwing magkakaroon long weekend upang magbigay daan sa isinasagawang rehabilitasyon.

Pero pagtitiyak ni Capati, kahit tigil ang operasyon nila tuwing may mga holiday, magkakaroon naman ng bus augmentation para sa mga apektadong pasahero.


Kahapon ay opisyal nang itinurn-over ng department of transporation sa Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries (MHI)-Tes Philippines (TESP) ang malawakang rehabilitasyon at maintenance works sa train line.

Kabilang sa mga aayusin at imimintena sa linya ng tren ang electromechanical components, power supply system, rail tracks, depot equipment, elevators at escalators sa lahat ng istasyon.

Ayon kay Capati, matapos ang rehabilitasyon, doble na ang maseserbisyuhan ng MRT-3 lalo nat madagdagan ang bumabyaheng tren mula 15 sa 20, at maiakyat ang operating speed sa 60 Kilometers per hour mula sa dating 30kph.

Matatapos ang rehabilitation works ng MRT-3 sa loob ng unang 26 na buwan ng 43-month rehabilitation and maintenance contract.

Facebook Comments