Pamunuan ng MRT-3, tiniyak na walang sasalubong na taas-pasahe pagkatapos ng libreng sakay

Tiniyak ng pamunuan ng Metro Rail Transit o MRT Line-3 na walang sasalubong na taas-pasahe sa mga pasahero nito kapag natapos na ang programang libreng sakay.

Ayon kay MRT-3 General Manager Engr. Michael Capati, bagama’t walang kinita ang pamahalaan sa loob ng tatlong buwan dahil sa libreng sakay kung saan aabot na raw sa ₱286 million ang nawala sa kikitain sana ng gobyerno, wala pa rin namang magiging pagbabago sa pasahe sa tren.

Sinabi pa ni Capati na pinauubaya na nila sa administrasyong Marcos ang desisyon kung palalawigin pa o hindi na ang alok na libreng sakay sa mga pasahero ng MRT-3.


Matatandaan, pinalawig pa ng Department of Transportation o DOTr ang programang libreng sakay sa MRT-3 hanggang sa Hunyo 30 na kasabay ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito na ang ikatlong extension na ginawa ng MRT-3 upang maibsan na rin ang pasanin ng mga pasahero sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ng produktong petrolyo.

Batay sa datos ng DOTr, mahigit 15 milyon na pasahero na ang nakinabang sa libreng sakay ng pamahalaan na nagsimula noong Marso 28.

Samantala, hiniling ng mga pasahero ng EDSA Bus Carousel na palawigin din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang libreng sakay nito.

Ayon sa ilang pasahero, kung sakaling hindi naman ma-extend ang libreng sakay, sana raw ay magkaroon na lang ng discount.

Ang naturang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel ay bahagi ng service contracting program ng LTFRB kung saan tatagal na lang hanggang sa May 31.

Facebook Comments