Cauayan City, Isabela- Nakitaan ng lapses o pagkukulang ang mga tauhan ng pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) na nakakasakop sa pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam Reservoir.
Ito ay makaraang ipatawag ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan mula virtual conference ang mga kinatawan ng nasabing ahensya upang ipaliwanag kung bakit nagkaroon ng buhos ng tubig mula sa pitong (7) gate ng dam.
Ayon kay Board Member Cris Barcena, sinabi umano ng mga kinatawan ng NIA na sumunod lang ang mga ito sa abiso ng PAGASA dahil sa malaking volume ng tubig ang bubuhos dala ng pag-uulan kung kaya’t nagpakawala sila ng tubig sa dam.
Pero paliwanag aniya ng NIA na hindi naman sunod-sunod ang pagbubukas ng gate mula sa dam taliwas sa mga usapin ngayon makaraang mabatikos ito ng mga netizen maging ang provincial government ng Cagayan.
Iginiit din ni Barcena na kinakailangang magkaroon ng long term plan ang pamunuan ng NIA upang maiwasan ang kaparehong malawakang pagbaha na naranasan ng Cagayan mula sa 45 taon.
Isa rin sa tinitignang dahilan ng malawakang pagbaha ay ang deforestation o pagkakalbo ng mga puno mula sa mga kabundukan kung kaya’t nakakaranas din ng pagbaha ang malaking bahagi ng rehiyon.
Matatandaang inulan ng batikos ang pamunuan ng NIA-MARIIS dahil sa pagpapakawala ng maraming tubig.