Pamunuan ng Pasay City, binati ang kapulisan sa mabilisang pagdakip sa 10 puganteng tumakas sa Malibay detention facility

Hindi lumagpas sa palugit na 48 oras ang isinagawang manhunt operation sa 10 puganteng tumakas sa Malibay Detention Facility sa Pasay City.

Ito’y matapos mahuli kahapon apat pa sa mga preso kabilang na ang kanilang mastermind sa pagsira sa rehas ng nasabing piitan.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, nakita niya ang kooperasyon at pagtutulungan ng mga kapulisan para matugis ang 10 tumakas.


Naging malaking tulong din umano ang panawagan nila sa publiko, maging ang pagkalat ng litrato ng mga ito kung kaya ay naging mabilis ang nasabing operasyon.

Nagpasalamat rin si Rubiano kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos dahil sa pagiging hands on nito at sa patuloy na pagbabantay sa mga insidenteng nangyayari sa bansa.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon, at sisiguruhin rin ng pamunuan ng Pasay City na mananagot ang totoong nagkasala sa nangyaring insidente.

Facebook Comments