Tiniyak ni Pasig City Mayor Vico Sotto na maipasok bilang PhilHealth members ang 15,000 tricycle drivers sa lungsod ngayong taon mula sa paunang 3,000 tricycle drivers noong 2019.
Ayon kay Mayor Sotto, tinitingnan nila kung sino ba ang pinaka-vulnerable sa komunidad ng Pasig at sa na-identify nila ay ang mga tricycle drivers. Kaya noong unang 100 araw ng kanyang panunungkulan, nakapagbaba agad sila ng free registration para sa 2020 coverage ng PhilHealth members.
Paliwanag ng alcalde, tatlong libong miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association o TODA ang nakapag-avail ng free register na at tiwala siya na aabot pa ng 15,000 para sa taong 2020, kung saan buong taon mayroon silang PhilHealth coverage.
Giit pa ni Sotto na pagdating sa pagpapatupad ng Universal Health Care, isa sa mga dapat palakasin ay ang mga Barangay Health Centers, kaya pinasimulan na niya ang rehabilitasyon ng mga Health Facilities sa lungsod.
Ibinida pa ng alkalde na tatlong doble ang itinaas ng budget ng Pasig sa medical supplies ngayong taon kumpara sa 2019 dahil malaki aniya ang kanilang ginagawang effort para makasiguro na lahat ay maging sakop na ng PhilHealth dahil marami pa rin umanong Pasigueños ang hindi pa covered ng PhilHealth.
Naniniwala rin si Sotto na dapat aniyang naka-pokus sa pagbibigay serbisyo ang mga ospital ng lungsod at hindi naka-depende sa kikitain nito.
Ilalaan din ng kaniyang administrasyon ngayong taon ang P36.8 milyon para sa PhilHealth membership bawat taon, umpisa sa 11,000 tricycle drivers at may kabuuang P772.7 milyon naman para sa mga gamot at iba pang supply.