Itinanggi ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na may organized corruption sa ahensya.
Sa interview ng RMN Manila kay PhilHealth Vice President for Corporate Affairs and Spokesperson Dr. Shirley Domingo, nilinaw nito na walang malaking sindikato, organized at big corruption sa PhilHealth, gaya nang lumalabas ngayon sa imbestigasyon ng Senado.
Giit ni Domingo, hindi nila maiaalis na mayroon mga anomalya sa ahensya pero ito ay iilan lamang.
Sa katunayan aniya ay may mga nahuli na silang empleyado noon na sinampahan ng kaso at tinanggal sa pwesto.
Kasabay nito, sinabi ni Domingo na bukas ang pamunuan ng PhilHealth sa anumang imbestigasyon at handa silang sagutin ang lahat ng alegasyon ng korapsyon laban sa state insurer.
Noong nakaraang linggo, ibinulgar ni dating PhilHealth Anti-Fraud Legal Officer Thorrsson Montes Keith na may “mafia” kung saan dawit ang ilang opisyal ng executive committee na nagnanakaw ng aabot sa 15 billion pesos mula sa state insurer sa pamamagitan ng mga fraudulent scheme.