Hiniling ni Senator JV Ejercito na palitan na ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna na rin ng kabiguang maipatupad ang Universal Health Care (UHC) Law.
Binigyang-diin ni Ejercito na pangunahing sponsor ang UHC Law sa Senado, na ang PhilHealth bilang tanggapan na responsable sa implementasyon ng UHC Law ay hindi nagawang maihatid ang mandato ng batas dahilan kaya maraming Pilipino ang nahihirapan sa gastusin sa pagpapagamot.
Iginiit ni Ejercito na nasa ikalimang taon na ng pagpapatupad ng UHC Law subalit ang benepisyo ng 10-year program na ito ay hindi ramdam ng mga Pilipino.
Ikinadismaya ng mambabatas ang limitadong coverage ng PhilHealth sa mga hospital billing kung saan mayroong bayarin na umabot ng daang libo pero napakaliit lang ang sinagot ng state health insurer.
Iginiit ni Ejercito na mandato ng batas ang upgrade sa benefit packages at ang PhilHealth ay dapat nariyan para pagsilbihan ang mga tao at hindi ang magkamal ng pondo.
Sinita rin ng husto ng senador ang ahensya sa pagdedeklara ng P90 billion na sobrang pondo gayong maraming ospital ang hindi pa nababayaran at patuloy na nahihirapan ang mga pasyente pagdating sa pampinansyal na gamutan.