Patuloy na nakatutok at mino-monitor ng pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang singil sa pasahe ng mga bus sa kanilang terminal.
Sa isang panayam kay Jason Salvador, tagapagsalita ng PITX, sa kasalukuyan ay wala pa silang nakukuhang impormasyon na may nagtaas ng singil sa pasahe sa mga pampublikong bus na nagbababa at nagsasakay ng pasahero sa nasabing terminal.
Dahil dito, hinihimok niya ang mga pasahero na tangkilikin na lamang ang pagsakay sa mga bus kung tutungo ng pier sa Batangas o sa ilang lugar sa nabanggit na lalawigan at sa probinsiya ng Cavite.
Aniya, mas doble ang singil sa pasahe ng mga ito bukod pa sa delikado kung papatol o sasakay sa mga kolorum na van na kadalasan ay nanghaharang habang patungo sila sa PITX.
Dagdag pa ni Salvador, inaasahan nila na mas dadami ang mga pasahero sa PITX sa darating na Martes hanggang Huwebes Santo kaya’t patuloy ang kanilang paghahanda dito upang masiguro ang seguridad at kaayusan gayundin ang pagpapatupad ng health protocols kontra COVID-19.
Dagdag pa ni Salvador, posibleng bumaba nang bahagya ang bilang ng pasahero sa Biyernes at Sabado at kanilang pinaghahandaan ang pagbabalik ng mga ito sa susunod na Linggo o Linggo ng Pagkabuhay.