Manila, Philippines – Nasasaktan ang Philippine National Police Crime Laboratory sa mga nagdududa sa inilabas na resulta ng kanilang hanay na hindi tugma ang DNA test ng mag asawang Eduardo Gabriel at Lina Dela Cruz sa bangkay ng 14-anyos na pinaglalamayan ngayon sa Cainta, Rizal na una nang kinilalang bangkay ni Reynaldo De Guzman ang batang nakitang tadtad ng saksak sa Gapan City, Nueva Ecija.
Ayon kay Chief Inspector Lorna Santos, ang chief ng PNP Crime Laboratory DNA analysis branch, credible o may batayan ang resulta ng dna test na kanilang ginawa.
Pero bilang isang propesyunal na institusyon, hindi na lamang nila pinapansin ang mga ito lalot nagiging paboritong batikusin ang mga pulis.
September 7 aniya nang kunan ng sample ang bangkay habang September 8 kinunan ng dna sample ang mag asawang Eduardo at Lina.
Sinabi pa ni Santos na ang Nueva Ecija PNP ang humiling na isailalim sa DNA test ang nakuhang bangkay sa Nueva Ecija.
Aabot aniya sa 60,000 pesos ang bayad sa DNA test pero sa kasong ito ay libre na at inamin niyang pinagtuunan nila ito ng pansin dahil sa imbestigasyon.
Una rito, sinabi ng Public Attorney’s Office na duda ang kanilang hanay sa resulta ng DNA test ng PNP crime laboratory.