*Cauayan City, Isabela- *Nagmungkahi ng isang pagsasanay ang pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD sa pamahalaang panlungsod ng Cauayan para sa mga POSD members.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, konting pondo lamang umano ang kinakailangan sa tatlong araw na pagsasanay kaya’t umaasa ito na hindi bibiguin ni City Mayor Bernard Dy ang kaniyang kahilingan.
Hihingi din ito ng serbisyo ng Land Transportation Office (LTO) maging sa mga dati niyang kasamahan sa Highway Patrol Management Group para magturo sa pagsasanay ng kaniyang mga tauhan.
Layunin anya ng pagsasanay na mabigyan ng panibagong kaalaman ang kanilang mga bagong miyembro dahil sa hindi anya maiwasan na may mga motoristang propesyonal ang nakakaharap ng mga POSD sa panahon ng problema sa lansangan.
Iginiit pa ni POSD Chief Mallillin na maaring ngayong buwan ng Enero o sa darating na buwan ng Pebrero isasagawa ang training ng kaniyang mga tauhan at ito ay maaring gaganapin sa opisina ng LTO Cauayan o sa Highway Patrol Group sa City of Ilagan.