Manila, Philippines – Mariing itinanggi ni Presidential Security Group Chief Brigadier General Lope Dagoy na kabilang ang isa sa kanyang tauhan sa PSG ang dawit o nahuli sa drug bust kahapon kasama ang anak ng tinaguriang drug queen na si Yu Yuk Lay malapit lamang sa Malacañang complex.
Ayon kay Dagoy, marahil ay nagkamai lamang ng dinig ang ilan sa taga media dahil taga PSPG o police Security and Protection Group ng Philippine National Police ang tumatayo umanong security detail ni Diana Yu Uy.
Sa katunayan aniya ay kabilang pa ang PSG sa nag operate sa drug bust sa pamamagitan ng joint operations kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at PNP National Capital Region Office.
Kinilala ni Dagoy ang taga PSPG na nahuli na si PO3 Walter Vidal at wala aniya itong koneksyon sa PSG.
Ang PSG ang nagbabantay sa seguridad ng Pangulo ng Bansa at iba pang State Leader na bibisita sa pilipinas habang ang PSPG naman ay police escorts na idini deploy sa mga VIP o sinumang indibidwal na humihiling ng security detail sa PNP dahil may tangka sa kanilang buhay at kaligtasan.