Muling ibinabala ng pamunuan ng Quiapo Church na kanilang ititigil ang lahat ng aktibidad hinggil sa kapistahan ng Poong Itim na Nazareno kung hindi susunod sa inilatag na minimum health protocols ang mga deboto.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, ang parochial vicar ng Minor de Basilica of the Black Nazarene, nais nilang masunod ng mga deboto na ipinapatupad ng gobyerno kung saan umaasa sila na walang mangyayaring gulo at magiging payapa ang Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Hinihimok din nila ang ilang deboto na makinig na lamang sa misa sa official Facebook page ng Quiapo sa araw ng Kapistahan.
Maging ang ilang mga deboto sa ilang kalapit na lungsod ay hinihikayat nilang huwag na rin magtungo sa Quiapo Church at maiging dumalo na lamang sa mga misa kung saan simbahan sila malapit.
Nakikiusap din sila sa mga deboto na matitigas ang ulo na huwag ng ipilit pa ang kanilang kagustuhan sa nakagawiang tradisyon tulad ng paglapit sa imahe ng Itim na Nazareno lalo na’t hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng pamunuan ng Quaipo Church sa lokal na pamahalaan ng Maynila, Manila Police District at ng IATF para mas lalong paghandaan ang iba pang plano sa nalalapit na pista ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9 (Sabado).