Pamunuan ng Quiapo Church, bukas sa mga suhestiyon sa posibleng pagkansela ng Translacion ng Poong Nazareno

Sinabi ng pamunuan ng Quiapo Church na bukas sila sa anumang alternatibong paraan na posibleng ipalit para matuloy ang Traslacion ng Itim na Nazareno sa susunod na taon na dinadaluhan ng milyun-milyong deboto.

Sa isang panayam, sinabi ni Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Minor Basilica ng Poong Nazareno sa Quiapo na lubos na tatanggapin nila ang anumang magiging pinal na desisyon ng Lokal ng Pamahaalan ng Maynila at ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases.

Aniya, maraming pagsubok ang pagdadaanan nila para makaisip ng ibang paraan ng pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno.


Dagdag pa niya, hihiling sila ng pagpupulong sa City Hall ng Maynila kasama si Manila Mayor Isko Moreno at ang IATF para ilatag ang mga naisip na paraan na pwedeng imungkahi tulad ng karagdagang misa.

Matatandaang una nang inihayag ni Mayor Isko na pabor siya na wala munang prusisyon sa susunod na taon ng Itim na Nazareno.

Ayon sa alkalde, hindi pa rin kasi nawawala ang panganib ng pagkahawa-hawa dahil sa virus.

Giit ni Moreno, isa rin sa utos ng Panginoong Diyos ay mahalin at pangalagaan ang sarili kaya’t aniya dapat ito ang isipin ng milyun-milyong deboto ng Nazareno.

Facebook Comments