Pamunuan ng Quiapo Church, naglabas na ng panuntunan sa mga debotong dadalo sa kapistahan ng Itim na Nazareno bukas

Nanawagan ang pamunuan ng Quiapo Church sa mga debotong dadalo sa kapistahan ng Itim na Nazareno bukas (Enero 9).

Ayon sa pamunuan ng simbahan, mayroon silang inilatag na panuntunan na tinatawag na “4P” na maaaring gawin at sundin ng mga deboto.

Kasama sa 4P ang:


  • “Pagdalaw” sa halip na “Prusisyon o Traslacion” kung saan dinadala ang imahe ng Poong Itim na Nazareno sa iba’t ibang Simbahan.
  • “Pagsimba” sa ibang simbahan sa halip na “Pagpunta” ng mga deboto sa Quaipo church
  • “Pagtanaw” sa halip na “Pahalik” o “Papunas”
  • “Paghanay” sa halip na “Pagpasan”

Inilatag ang 4P bilang gabay at contingency plan para sa mga nagbabalak pa ring magtungo sa Quiapo Church at layon na mabawasan ang pagdagsa ng mga deboto.

Samantala, magpapatupad naman ng liquor ban ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong lungsod ng Maynila simula mamayang gabi.

Ito ang inanunsiyo ni NCRPO Chief Police Brig. Gen. Vicente Danao Jr., bilang paghahanda sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno.

Magsisimula ang liquor ban mamayang alas-dose ng gabi at epektibo hanggang matapos ang araw ng pista.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng pamunuan ng Manila Police District ang pagtatanggal sa signal ng cellphone at wifi sa paligid ng Quiapo kasabay ng ipinatupad na suspensiyon ng online classes sa Lungsod.

Facebook Comments