Pamunuan ng Quiapo Church, nakikipag-ugnayan sa IATF para payagan ang 50 percent capacity sa loob ng simbahan sa araw ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno

Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa kanilang apela na payagan sana sa 50 porsyento ang kapasidad nito sa mismong araw lang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

Ayon kay Father Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, ito’y para mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming deboto na makadalo ng misa sa loob ng simbahan.

Iginiit ni Fr. Badong na kakayanin pa naman nilang panatilihin ang social distancing sa loob ng simbahan kahit pa itaas sa 50 porsyento ang kapasidad nito.


Sa kabila ng sitwasyon dahil sa COVID-19, patuloy na naghahanda ang pamunuan ng Quiapo Church, Manila Police District (MPD) at lokal na pamahalaan ng Maynila sa posibleng pagdagsa ng deboto.

Nabatid naman na bukod sa ipagbabawal na makapasok sa simbahan ang mga debotong nakayapak, muli rin paalala ni Fr. Badong na iwasan ang pagpahid ng mga bimpo, panyo at iba pang kahalintulad nito sa mga imahen ng Poong Itim na Nazareno na kanilang makikita.

Pinapayuhan rin ang ibang deboto na may masamang pakiramdaman o sintomas ng ubo, sipon at lagnat na huwag nang magtungo pa sa simbahan ng Quiapo.

Facebook Comments