Pamunuan ng Quiapo Church, nanindigan na kaya nilang mag-accommodate ng maraming mananampalataya

May apela ang simbahan ng Quiapo sa mga parokyano nito na patuloy na umaasang papayagan na ang pagdalo sa misa ng mas maraming mananampalataya.

Aminado si Father Douglas Badong, Parochial Vicar ng Minor Basilica na ikinalulungkot nila ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na hanggang sampung indibidwal lamang ang pwede sa loob ng simbahan kada misa.

Iginiit ni Father Douglas Badong na kaya naman sana ng simbahan na i-accommodate ang mas marami pang bilang ng mga parokyano sa misa dahil nakapaghanda na rin sila para sa tamang physical distancing noon pa man.


Ayon kay Father Badong, kung tutuusin, mas ligtas nga sa loob ng simbahan ang mga dadalo sa misa kumpara sa sitwasyon ng mga ito na nagtyatyaga sa labas na inaabot pa ng ulan.

Bagama’t regular ang misa sa Quiapo Church mula alas-5:00 ng madaling araw na napapanood din naman sa pamamagitan ng social media, sinabi ni Father Badong na iba pa rin ang pakiramdam sa mga nagsisimba kung nasa loob sila mismo ng simbahan.

May apela rin si Father sa mga parokyano nito na tulungan sila sa kanilang panawagan sa gobyerno.

Una nang umalma si Bishop Broderick Pabillo sa limitadong bilang ng mga papayagang magsimba sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Facebook Comments