Pumalag ang pamunuan ng Quiapo Church sa mga batikos hinggil sa pagdagsa ng mga tao sa Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa naging pahayag ni Msgr. Hernando Coronel, rector ng Simbahan ng Quiapo, hindi talaga maiiwasan ang pagpunta ng mga deboto dahil nais nilang lumapit sa Diyos lalo na’t nararanasan nila ang kaliwa’t kanang problema.
Ayon pa kay Msgr. Coronel, batid nila ang panganib na dala ng COVID-19 kaya’t kinansela ang prusisyon at iba pang tradisyon sa Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.
Aniya, maraming ginawang hakbang ang simbahan upang masiguro ang kaligtasan ng mga tao kung saan nagsagawa na lamang ng mga misa sa iba’t ibang simbahan.
Una na rin nilang hinimok ang mga deboto na huwag nang pumunta sa simbahan at makinig na lamang sa online mass pero hindi nila inaasahan ang pagdami ng bilang ng tao.
Nagpasalamat naman si Msgr. Coronel sa debosyon ng mga tao at ipinapalangin nila na maging ligtas ang lahat sa sakit.
Matatandaan na maging ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay pumalag rin sa mga nagpakalat na fake news at pamumulitika hinggil sa naging sitwasyon ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno kung saan naging maayos at payapa naman daw ang pagtatapos nito.