Pamunuan ng SM City Cauayan, nakiisa sa ikaapat na bahagi ng NSED

*Cauayan City, Isabela- *Nakiisa ang may mahigit sa 200 empleyado ng SM City Cauayan sa ikaapat na bahagi ng National Simultaneous EarthQuake Drill ngayong araw na layong bigyang kahandaan ang publiko lalo na sa mga madalas na bumibisita sa mga pasyalan gaya ng mall.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula kay Bb. Krystal Gayle Agbulig, Public Relations Manager ng SM City Cauayan, nakiisa rito ang ilang empleyado, security at agency personnel at maging mga tenant ng mall katuwang ang ilang sangay ng gobyerno gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine AirForce (PAF), SOCO, Rescue 922 maging ang opisyal ng Barangay District 2 para sa nasabing aktibidad.

Ipinamalas din ng mga ito ang kasanayan sa isinagawang senaryo pagdating sa pagbibigay ng paunang lunas at pagresponde sakaling may maging biktima ng sakuna gaya ng lindol.


Hindi rin nawala sa nasabing aktibidad ang tinaguriang ‘Duck, Cover and Hold’ na siyang gagabay sa publiko kung sakaling makaranas ng paglindol.

Patuloy naman ang ginagawang pagbibigay ng kaalaman ng pamunuan ng mall sa publiko upang maging handa ang mga ito sa posibleng pagtama ng isang lindol.


Facebook Comments