Pamunuan ng UST, tiniyak na pananagutin ang mga miyembro ng fraternity na mapatutunayang sangkot sa pagkamatay ng law student na si Horacio Castillo III

Manila, Philippines – Nagpahayag ng matinding kalungkutan ang pamunuan ng University of Sto. Tomas sa pagkamatay ng kanilang estudyante na si Horacio Tomas Castillo III, 22-anyos, first year law student na natagpuang patay alas-7 ng umaga kahapon sa kanto ng H. Lopez Blvd. at Infanta St. Balut, Tondo, Maynila.

Nakasaad sa pinadalang press statement ni Associate Professor Giovanni V. Fontanilla, Director of Office of Public Affairs ng UST na natanggap na nila ang report hinggil sa sinasabing pagkamatay sa hazing ni Castillo na kinasasangkutan umano ng Aegis Juris fraternity.

Ayon kay Fontanilla, mariin nilang kinokondena ang hazing at hindi nila pinapayagan ang anumang uri ng karahasan sa kanilang institusyon lalo na sa UST na nagbibigay ng mataas na pagpapahalaga at pagsusulong sa charity and compassion.


Tiniyak ng UST na wala silang sasantuhin sa insidente at pananagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot sa marahas na kamatayan ni Castillo.

Nagsasagawa na aniya sila ng sariling imbestigasyon ang unibersidad upang mapalabas ang katotohanan, matukoy ang mga may kasalanan at bumalangkas ng legal na action.

Muling iginiit ng UST ang pagpapahalaga nila sa Christian values and ideals na patuloy na nagbibigkis sa kanilang mga institusyon.

Facebook Comments