Manila, Philippines – Naniniwala ang Department of Energy na panahon na para tanggalin ng Pamahalaan ang umiiral na ban o pagbabawal sa oil exploration sa West Philippine Sea.
Matatandaan na noong panahon ni dating Pangulong Noy-Noy Aquino ay naglabas ito ng Executive Order na nagbabawal sa oil exploration sa nasabing lugar dahil sa umiinit na tesyon noon sa pagitan ng Pilipians at China.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, ngayong maganda na ang relasyon ng Pilipinas at China sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magandang payagan nang muli ang exploration upang malaman na kung ano ang mga available na resources doon.
Paliwanag ni Cusi, mahalaga ito para matiyak ang energy security ng bansa dahil ito ang kanilang nakikina na paraan para maging independent ang bansa sa produktong petrolyo at hindi na kailangan pang magangkat nito sa ibang mga bansa.
Pero sinabi din naman ni Cusi na ang Department of Foreign Affairs ang bahala na magsulong ng mga hakbang na ito para masimulan ang oil exploration sa WPS.
Matatandaan na nakatakdang bumisita sa bansa si Chinese President Xi Jinping at kabilang naman sa mga inaasahang paguusapan ay ang Joint Exploration ng Pilipinas at China sa pinagtatalunang bahagi ng karagatan.