Patuloy pang nararanasan ang maalinsangang panahon sa bansa lalo ngayong opisyal nang idineklara ng PAGASA ang dry season o panahon ng tag-init.
Sa Dagupan City, pumalo sa 47°C ang parehong naitalang heat index at heat index forecast nitong March 25 at March 26, kung saan hanggang sa kasalukuyan ay ito na ang naitalang pinakamataas na heat index sa buong bansa.
Dahil dito, mas tinatangkilik ngayon ng mga Pangasinense ang paggamit ng payong bilang panangga sa init ng araw.
Ayon sa ilang tindero ng payong na nakapanayam ng IFM News Dagupan, sa ngayon ay hindi pa naman umano nararanasan ang lakas ng bentahan ng payong.
Dagdag nila, mas mabenta ang payong tuwing tag-ulan.
Sa ngayon naglalaro ang presyo ng payong sa P120 hanggang P170.
Samantala, hinimok ng awtoridad ang mga Pangasinense na ugaliin ang pagdadala ng payong o sumbrero para maibsan ang init ng nararamdaman lalo sa pagitan ng alas dyis ng umaga hanggang alas tres ng hapon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨