Manila, Philippines – Pangkalahatang magiging maaliwalas ang panahon sa araw ng traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa January 9 (Martes).
Ito ang inihayag ngayon ng PAGASA kaugnay ng weather forecast sa araw ng aktibidad ng Quiapo Church na kinikilala sa buong mundo bilang isa sa mga natatanging ‘religious festivities’ na dinadaluhan ng milyun-milyong katolikong deboto.
Ayon kay Weather Specialist Leni Ruiz, sinabi nito na wala silang nakikitang anumang sama ng panahon na namumuo sa loob man o labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Dagdag pa ni Ruiz, sa umaga pa lamang asahan ang malinis na kalangitan kaya at pinapayuhan nito ang mga dadagsang namamanata sa Nazareno na magbaon ng pananggalang tulad ng payong bilang proteksyon na rin sa matinding sikat ng araw.
Maliban dito, mahalaga rin ang pagbaon ng maraming tubig upang mapawi ang pagka-uhaw dulot ng mainit na klima.
Samantala, batay pa sa datos ng Weather Bureau na pagsapit ng hapon o gabi posibleng makaranas ng localize thunderstorm o mga pag-ulan ang Metro Manila kaya at importante na maging handa ang mga deboto hindi lamang sa aktibidad ng Nazareno kundi kasama na rin ang kanilang proteksyon sa inaasahang kalagayan ng panahon.