Panalangin para sa ating mga leaders, frontliners, kaligtasan at katatagan laban sa krisis, hiniling ng 2 senador ngayong Semana Santa

Hinikayat nina Senators Sherwin Gatchalian, at Leila De Lima ang mga Pilipino na lubusin ang pagkakataon ngayong Semana Santa para gunitain ang dakilang sakripisyo ni Hesukristo para sa ating kaligtasan, at upang magnilay at magdasal sa hinaharap nating krisis dulot ng COVID-19.

Ayon kay Gatchalian, hindi man natin magawa ang nakagawiang paggunita sa Holy Week ay dapat hindi matinag ang ating pananampalataya sa Diyos na tayong lahat, kasama ang ating mga pamilya at mahal sa bahay ay mananatiling matatag at makakalampas sa matinding pagsubok ngayon.

Para kay Gatchalian, oportunidad ito para isantabi na ang mga intres na pampulitika at pansarili at sa halip ay pagnilayan kung ano ang maitutulong natin sa kapwa.


Diin naman ni Senator De Lima, napakahalaga ng panalangin para sa mga doctor, nurse, at iba pang health workers, mga sundalo, police, government employees, volunteers at iba pang frontliners.

Sabi ni De Lima, mahalaga ring isama natin sa dasal ang mga leader ng ating bansa para magawa nila ang tamang hakbang ng mabilis para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat.

Dagdag pa ni De Lima, dapat tayong manalig na nariyan lagi ang panginoon na ating gabay at tanglaw kaya gaano man kadilim ang landas na ating tinatahak, gaano man kabagsik ang delubyo, gaano man kalakas ang hagupit ng unos, ay siguradong lilipas din at tayo ang mananaig.

Facebook Comments