Todo sigaw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay puri at parangal sa mga atletang Pilipinong nag-uwi ng medalya at parangal mula sa 19th Asian Games sa China.
Ayon sa pangulo, napakasarap sa pakiramdam na banggitin ang mga katagang proud to be pinoy.
Sinabi pa ng pangulo, na ang panalo ng mga atletang Pinoy na lumahok sa Asian Games ay nagpataas sa morale ng mga Pilipino sa panahong may mga hamong kinakaharap ang bansa.
Nawawala ayon sa pangulo ang mga alalahanin sa mga ganitong pagkakataon kung saan nag-uuwi ng parangal ang mga atletang Pinoy para sa Pilipinas.
Aminado ang pangulo na hindi madaling maging atleta, dahil sa lahat aniya ng pagkakataon ay palaging nasa training ang mga ito.
Kaya marapat lamang ayon sa pangulo, na ibigay ang lahat ng suporta sa mga ito para sa kanilang pagsasanay.
Kaugnay nito, pinabibilisan ng Pangulong Marcos ang pagkumpleto sa national sports facility sa New Clark City para magamit na agad ng mga atletang Pinoy.
Direktiba ng pangulo sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na palakasin ang mga medical facilities para mabilis na magamot ang mga injured athletes.