Pananabotahe sa COVID-19 vaccination program, iimbestigahan ng PNP

Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang malalimang imbestigasyon hinggil sa umano’y pananabotahe sa programang pagbabakuna kontra COVID-19.

Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Nabatid na nagdulot ito ng pagkukumahog at pagdagsa ng mga tao sa mga COVID-19 vaccination center dahil sa pagpapakalat ng mga mali at malisyosong impormasyon partikular na sa social media at text messages.


Halimbawa sa mga ito ay ang “Walang Bakuna, Walang Ayuda”, bawal lumabas o “Walang Bakuna, Walang Quarantine Pass” habang nasa ilalim ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Eleazar, kanilang inaalam ang pagkakakilanlan ng pinagmulan ng maling impormasyon na umiimot sa social media at text messages.

Binigyang diin pa ng PNP Chief na walang utos na pigilan ang mga hindi pa bakunado na lumabas ng kanilang mga tahanan.

Dagdag pa niya na tiniyak mismo ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na tanging ang kwalipikadong benepisyaryo lang sa Metro Manila ang makatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan, bakunado man o hindi.

Muli ring ipinaalala ng opisyal sa publiko na huwag basta-bastang maniniwala sa mga kumakalat na impormasyon at maaari rin naman magtanong sa mga Local Government Unit (LGU) at mga ahensya kung saan pwedeng makinig, manood at magbasa ng balita sa TV, dyaryo at radyo para malaman ang totoo.

Facebook Comments