Pananagutan ng mga paaralan sa hindi pagpapatupad ng Anti-Hazing Law, pinatataasan ng isang senador

Pinatataasan ni Senator Francis Tolentino, ang pananagutan ng mga pasaralan kapag may kapabayaan sa pagpapatupad ng Anti-Hazing Law.

Kaugnay pa rin ito ng pagkasawi ng criminology student na si Ahldryn Bravante, matapos sumailalim sa initiation rites ng Tau Gamma Fraternity.

Umaasa si Tolentino, na magkaroon ng remedyo sa batas para matugunan ang gap o agwat sa pananagutan ng mga eskwelahan lalo pa’t sila ang itinuturing na ikalawang magulang ng mga mag-aaral.


Nasita rin ng senador ang kakulangan na ipagbigay alam sa barangay ang isasagawang initiation rites ng fraternity sa kanilang lugar na nasasakupan.

Sa batas ay sinabi ng Chairman ng Committee on Justice and Human Rights, na dapat maipaalam sa nakakasakop na barangay na mayroong hazing na gagawin at ito ay hindi aniya nangyari sa Quezon City kung saan naganap ang krimen.

Paalala pa ng mambabatas, na bahagi ng mandato ng mga barangay na i-monitor ang mga nangyayari sa kanilang nasasakupan.

Facebook Comments