Sisilipin din ng Senado ang posibleng pananagutan ng mga pribado at pampublikong contractors sa naranasang matinding pagbaha sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ngayong darating na Miyerkules, Agosto 9 ay iimbestigahan ng Senate Committee on Public Works na pinamumunuan ni Senator Ramon “Bong” Revilla ang mga flood control project ng pamahalaan at ang pagbabaha sa maraming lugar sa bansa.
Ayon kay Revilla, maliban sa problema sa matinding pagbaha ay nais ng komite na busisiin kung ano ang mga patakaran para mapanagot at maparusahan ang mga contractors na nagdudulot na ng perwisyo sa mga drainage at daluyan ng tubig.
Matatandaang ang isang contractor ng mall ang itinuturong dahilan ng matinding pagbaha sa may bahagi ng South Luzon Expressway (SLEX).
Samantala sa darating na pagdinig ay ipapatawag sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes para pagpaliwanagin sa patuloy na pagbaha sa bansa gayong bilyung-bilyong pisong pondo ang inilaan ng gobyerno para sa flood control.
Dagdag pa sa iimbestigahan ng komite ang status ng Flood Control Masterplan na binuo sa pamamagitan ng World Bank gayundin ay kung magkakatugma ba ang masterplan ng DPWH at MMDA sa masterplan ng mga ahensya sa mga Local Government Unit (LGU).