Manila, Philippines – Nagpapasalamat ang Department of Foreign Affairs (DFA) kay Slovakia Prime Minister Peter Pelligrini matapos nitong mangakong bibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng isang OFW.
Matatandaan nito lamang May 31 nang masawi si Henry John Acorda 36-anyos, financial analyst sa isang multinational company sa Bratislava, matapos gulpihin makaraang ipagtanggol ang kapwa Pinoy mula sa pambabastos.
Ayon sa DFA nakahinga ng maluwag ang naulilang pamilya ng biktima matapos mangako ng hustisya ang Slovakian Government.
Nagtungo narin sa burol ni Acorda si Ambassador Ma. Cleofe Natividad at nagpaabot ng pakikiramay.
Tiniyak din ng ating embahada ang repatriation ng mga labi ng biktima pauwi sa Taguig at bibigyan din ng legal assistance ang pamilya upang maisulong ang kaso laban sa salarin.
Sa imbestigasyon lumalabas na kasama ni Acorda ang dalawang babae na isang Pinay at mula sa Poland nang mangyari ang insidente.
Inatake si Acorda ng suspek na kinilalang si Hiraj Hossu matapos nitong ipagtanggol ang Pinay na binastos ng suspek.
Sa ngayon hawak na ng mga otoridad ang suspek at ipinagharap ng kasong manslaughter.