Manila, Philippines – Kasunod ng pagkakahuli sa pangunahing suspek sa pagpatay sa OFW na si Joanna Demafelis sa Kuwait, tiniyak ngayon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mananagot sa batas ang recruitment agency niya.
Ayon kay Bello – ilalim ng mga umiiral na batas, civilly at administratively liable ang ahensiya na nagpaalis kay Demafelis.
Aniya dapat na mino-monitor ng mga ahensiya ang kalagayan ng mga manggagawa na kanilang ipinadadala sa abroad.
Nakikipag-ugnayan na ang DOLE sa National Bureau of Investigation (NBI) para mahanap ang nasabing mga recruiters ni Demafelis.
Nauna dito ay sinabi ni Bello na nahuli na sa Lebanon ang lalaking employer ni Demafelis ito ay sa pamamagitan ng tulong ng Interpol.
Tiniyak rin ng opisyal na lahat ng mga tulong ay kanilang ibibigay sa pamilya ng biktima base na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.