Negros Occidental – Pinananagot ang isang asukalan sa Pontevedra, Negros Occidental, dahil sa pagkasira ng kalapit na ilog nito.
Ayon sa ilang mangingisda, natagpuan nila ang mga patay na isda na palutang-lutang sa nagkulay kapeng ilog dahil sa nasira na liquid fertilizer dam ng Central Azucarera De La Carlota.
Depensa ng namamahala sa asukalan, isang bahagi ng dam kung saan nakasilid ang tubig na ginagamit para sa liquid fertilizer ang gumuho noong Martes ng hapon kaya bahagyang bumuhos ang kemikal sa kalapit na ilog.
Siniguro ng kompaniya na kinukumpuni na nila ang nasirang dam.
Kumuha na ng water sample ang ilang kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para masuri kung anong kemikal ang natapon sa ilog at paano ito malilinis.
Pinaalalahanan muna ang mga residente na huwag manghuli o kumunsumo ng isda mula sa ilog habang patuloy pa itong nililinis.