Kawit, Cavite – Tiniyak ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na didisiplinahin at maparurusahan ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard sakaling mapatotohanan na kinukuha ng mga ito ang huling isda ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal.
Sa ambush interview kay Ambassador Zhao sa Kawit Cavite matapos ang Independence Day celebration kanina na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sinabi nito na sa ngayon ay nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Chinese Government sa insidente at sinabi din nito na sa bawat organisasyon ay mayroong bulok na mansanas na dapat itapon.
Pabiro pang sinabi ni Zhao na itatapos sa South China Sea ang mga Chinese Coast Guard na mapatutunayang nagkasala.
Pinawi din naman ni Ambassador Zhao ang pangamba ng mga Pilipinong mangingisda na baka lumala ang sitwasyon sa Scarborough Shoal.
Ayon kay Zhao, mananatili ang kasunduan ng Pilipinas at China kung saan maaari paring mangisda ang mga Pilipino sa bahura.
Nagdahilan naman si Zhao kung bakit hindi pinapayagan ng Chinese Coast Guard ang mga malalaking fishing vessel sa Scarborough Shoal.
Ayon kay Ambassador Zhao, mga maliliit lang na mangingisda ang pinapayagan at ipinagbabawal ang commercial fishing vessels dahil mayroon din aniya silang responsibilidad na pangalagaan ang kalikasan sa Scarborough Shoal.