Nakikiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa paggunita ng mga Pilipinong Muslim sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Sa kanyang mensahe, nanawagan ang pangulo sa lahat ang pananaig ng kabutihan ng puso at kaliwanagan ng isip para maging matatag sa gitna ng mga hamon.
Magandang pagkakataon aniya ngayon para pagnilayan ang buhay at ang kwento ni Ibrahim na ang pananampalataya at pagmamahal kay Allah ay naging sentro ng mga turo ng Islam.
Paalala pa ni Pangulong Marcos sa mga Pilipino, mayroong makakamtan sa pagpapaubaya sa mga tao o bagay na pinakamahalaga sa atin.
Binigyang diin nito na ang pagpapalakas ng relasyon sa kapwa at sa Diyos, at ang mga aral ng nakaraan ay nagpapatatag sa isang indibidwal sa pagharap sa kinabukasan nang may tapang.
Kaya naman umaasa ang pangulo na maging buo ang loob ng mga Pilipino sa pagtahak sa tamang landas at pagkamit ng pangarap.