Mariing kinondena ng Justice Reporter’s Organization o JUROR ang ginawang pananakit ng ilang myembro ng grupong Manibela sa isang radio reporter.
Nangyari ang insidente kaninang umaga kung saan sinuntok ang DZRH Reporter na si Val Gonzales sa kasagsagan ng kilos protesta ng Manibela sa harap ng LTFRB sa East Avenue Quezon City.
Agad na nagreklamo si Gonzales sa Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD) kung saan napag-alaman pa na hindi bababa sa sampu ang miyembro ng Manibela na kumuyog sa kaniya.
Hindi lang isang beses ginawa ang pangha-harass laban kay Gonzales habang nagre-report.
Ayon sa JUROR, ang ginawa ng Manibela laban sa reporter ay maituturing na pagsikil sa malayang pamamahayag.
Kaya umaapela ang grupo na magsagawa ng imbestigasyon at mapanagot ang lahat ng sangkot sa insidente.