
Iginiit ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na hindi dapat nawawala ang paggalang sa mga nakatatanda sa gitna ng anumang tensyon, aberya, o matitinding emosyon.
Diin ni Ordanes, isang simpleng katotohanan na ang paggalang sa nakatatanda ay hindi lamang kaugalian kundi isang obligasyon at pundasyon ng isang lipunang marunong kumilala sa sakripisyo, karanasan, at dignidad ng mga nauna sa atin.
Pahayag ito ni Ordanes kasunod ng umano’y pananakit ni Ormoc Rep. Richard Gomez kay Fencing President Rene Gacuma, na ayon sa ulat ay binatukan, tinapakan ang paa, at pinilipit ang daliri sa kasagsagan ng Southeast Asian Games sa Thailand.
Kaugnay nito, nanindigan si Ordanes na hindi kailanman katanggap-tanggap ang anumang kilos na naglalagay sa alanganin sa dangal ng mga nakatatanda.
Ayon pa kay Ordanes, ang kapangyarihan, titulo, o katanyagan ay hindi nagbibigay ng karapatang maliitin ang sinuman—lalo na ang mga matatanda na patuloy na naglilingkod sa bayan kahit lampas na sa karaniwang panahon ng pamamahinga.
Paliwanag ni Ordanes, ang mahabang taon ng serbisyo, sa gobyerno man o sa ibang sektor, ay nararapat suklian ng mahinahong pakikitungo at pag-unawa, at kung may pagkakamaling nagawa, mas mainam itong pag-usapan sa maayos at mahinahong paraan.










