Pananakot ng Isang Kapitan noong Eleksyon, Ikwinento ng Isang Ginang sa Cauayan City!

*Cauayan City, Isabela- *Personal na nagtungo sa himpilan ng PNP Cauayan City ang isang Ginang na si Marilyn Florentino, 39 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Sinamar, San Mateo, Isabela upang ireklamo ang umano’y pagbabanta ng isang lalaki bago ang mismong araw ng eleksyon, May 12, 2019 sa Brgy Andarayan, Cauayan City, Isabela.

Sa naging panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Ginang Florentino na suporter ng isang grupo ng mga kandidato, nakikipag-usap lamang anya ang kanyang grupo sa mga poll watchers nang biglang dumating ang isang puting Toyota Hi-Ace Van na may plakang BAA4981 at lumabas at lumapit ang driver nito sa kanilang kinatatayuan.

Ayon kay Florentino, nang makalapit ang lalaki sa kanila ay pinagsabihan umano sila ng “UMALIS KAYO DITO, KUNG HINDI PA KAYO UMALIS DITO, PAGBABARILIN KO KAYO, IRESPETO NIYO ANG TERITORYO KO”.


Lumapit din umano ang driver ng Van kay Mr. Crispin Piñera na isa sa mga kumandidato sa Lungsod ng Cauayan at nagbitaw ng salitang “IKAW KANDIDATO KA, PWEDE KITANG FAYLAN NG DISQUALIFICATION”.

Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Brgy. Captain Eligio Tagibao ng Andarayan, Cauayan City, Isabela, ang reklamo ni Ginang Florentino kaugnay sa umano’y pagbabanta nito sa kanilang grupo noong Linggo, May 12, 2019.

Kinumpirma nito na siya ang bumaba at driver ng Toyota Hi-ace Van at nilinaw nito na sinita lamang ang grupo ni Piñera dahil sa umano’y pangangampanya ng mga ito at may dala-dalang sample ballot.

Sa ngayon ay pinag-iisipan pa ng kampo ni Florentino kung maghahain ng kaso laban kay Brgy. Captain Eligio Tagibao.

Facebook Comments