
Pinaghahandaan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang inaasahang pananalasa ng Bagyong Opong ngayong weekend.
Ayon sa PPA, naka-standby na ang lahat ng Port Management Offices (PMO), maging ang mga emergency power system, communication equipment, first aid kits, mga pagkain at maiinom na tubig.
Bukod dito, nakipag-ugnayan na rin ang PPA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mabilis na pamamahagi ng relief food packs kung kinakailangan.
Naglabas na rin ng direktiba si PPA General Manager Jay Santiago kung saan nakasaad ang regular na pag-uulat ng sitwasyon sa mga pantalan mula sa mga PMO oras-oras kabilang ang bilang ng mga kanseladong biyahe, stranded na pasahero, rolling cargoes at barko, lagay ng panahon at dagat, at estado ng pantalan
Mananatili ring naka-high alert ang mga PMO at ipapatupad ang lahat ng kinakailangang precautionary measures upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, kawani, kargamento, at imprastraktura ng pantalan.









