Pananambang ng NPA sa mga police officer sa Bukidnon na ikinasawi ng isang pulis kinondena ng PNP

Kinondena ng Philippine National Police ang ginawang pananambang ng New Peoples Army sa mga police officer sa  km 26 Brgy. Tikalaan at Dominorog, Talakag, Bukidnon.

 

Ayon kay PNP Spokesperson Brig Gen Bernard Banac ang hakbang ng NPA ay patunay lang sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na 53 taon nang walang naitutulong sa bansa ang CPP NPA sa halip ibinabagsak lamang ang Pilipinas.

 

Kaugnay nito nakikiramay rin ang pamunuan ng PNP sa pamilya ng nasawing police officer na si Police Corporal Rowel Sumaylo miyembro ng 1st Bukidnon Mobile Force Company.


 

Bukod sa nasawing pulis, sugatan rin ang tatlo pang pulis sa nangyaring pananambang na kinilalang sina Police Captain Ram Gighie, Police Staff Master Sergeant Giovanni Malinab at Police Corporal Jerwin Genilla.

 

Pasado alas -6:00  kanina nang tambangan ng NPA ang mga police officer kasama si Police Brig Gen Joselito Salido Deputy Director, Directorate for Integrated Police Operation o DIPO-Eastern Mindanao.

 

Hindi naman nasugatan sa ambush ang heneral.

Facebook Comments